Friday, December 21, 2018

Ang Kabataan Noon at Ngayon - Ano nga ba ang kaibahan sa mga kabataan noon at sa ngayon?

Image result for kabataan noon at ngayon

Ang Kabataan Noon at Ngayon - Ano nga ba ang kaibahan sa mga kabataan noon at sa ngayon?




          Sabi ni Dr. Jose P. Rizal "Kabataan ang pag-asa ng bayan". Ngunit ano na nga ba ang nagyayari sa mga kabataan ngayon? Sila parin ba ang pag-asa ng ating bayan o sila ang siyang nagbibigay problema sa ating bayan? Ano nga ba ang kaibahan sa mga kabataan noon at sa kabataan natin ngayon? Paano ba sila nagbago sa bawat henerasyon?



       Oo, ang kabataan ang pag-asa ng bayan, totoo ito dahil sila ang tutulong sa paglutas sa mga suliranin ng bayan at haharap sa panibagong bukas nang masagana. Ang kabataan sa ngayon ay ibang-iba sa henerasyon noon; malaki ang pagbabago ng mga kabataan ngayon. Nagbabago ang panahon, ang henerasyon at pati na rin ang mga kabataan ay nagbabago sa iba't ibang larangan, mapa negatibo man o positibo. Sa pag-aayos ng pananamit, maayos na pananalita at pagsagot sa mga nakakatanda, sa pag-aaral ng mabuti, sa kilos at galaw at kung anu-ano pa. Noon daw, pag pinagalitan na ng mga magulang ang mga kabataan, sila nalang ay tumatahimik.



          Hindi gaya sa mga kabataan ngayon, na kahit mangiyak na ang magulang sa pagsasaway, sasagot at sasagot parin ang mga kabataan. Noon, napakakonserbatibo nila sa pananamit hindi gaya ngayon na basta lang makisama sa uso. Lalo na rin sa pag-aaral naman noon, sobrang seryoso ng mga kabataan. Gagawin nila ang lahat para makapagtapos at makakuha ng sariling propesyon. Hindi katulad ngayon, kadalasan ay hindi na pinapahalagahan ang pag-aaral at nagiging pabaya na rin. Makikita mo nalang ang mga kabataan ngayon sa mall, sa mga computer shop, sa mga bar, at sa mga gilid tumatambay, at nakakalimutan na nila ang kanilang ibang prayoridad at responsibilidad bilang estudyante, anak at mamamayan.



          Sa bawat oras, araw o taon na lumilipas, unti-unting dumadami ang mga kabataang nalululong sa mga bagay na nakakasama nila. Minsan, ako'y napaupo sa isang silid at napaisip sa kalagayan ng mga kabataan nagyon at tinatanong ko ang aking sarili "bakit ba halos  lahat ng kabataan ngayon ay pabaya na sa sarili, sa pag-aaral at sa iba pa". Hindi ba dapat mas maging mabuti at madali ang buhay ng kabataan ngayon dahil sa pag-unlad ng teknolohiya ngunit sa halip ay ginamit ng mga kabataan ito sa maling pamamaraan. Napapaaway sa social media, nakakakuha ng maling-maling impormasyon at iba pa. Malaki ang tulong ng teknolohiya kung ginamit lang ito sa mabuti at tamang pamamaraan na maaaring makatulong para sa kanilang kinabukasan.



          Marami parin naman ang mga natitirang kabataan sa ngayong henerasyon na may tinatahak sa buhay. Naway sana sila ang magbigay daan sa ibang mga kabataan na maging katulad nila at hindi maging pabaya sa mga bagay-bagay, na sila'y magiging paraan para maging mabuti, makabayan, mapagmahal at matulungin sa lipunan. At itong mga maling hinaharap ng mga kabataan ngayon ay maging tulong para sa kanila upang matuto at magbago. At ituwid ang kanilang kinagisnan at sarili para sa bayan. Ang kabataan parin ang pag-asa ng bayan.



References:
https://abm24blog.wordpress.com/2017/05/27/kabataan-noon-at-ngayon/
Image:http://angsaya.com/kabataan-noon-at-ngayon/


No comments:

Post a Comment